“Mahal kita hindi dahil sa kung ano ka o kung ano pa man, kundi dahil sa kung ano ako kapag kasama kita.”
Para i-overcome ang trauma sa pag-iisa kasama ng mga estranghero ay nagtrabaho si Macy sa Megrande Spa bilang masahista. Doon ay nakilala niya ang customer na si Cole, ang fire captain na rumesponde sa kanyang tawag nang minsang may makita siyang sunog, at kalaunan ay naging nobyo niya.
Wala na sanang problema sa relasyon nina Macy at Cole. Pero nasaling ng mama ni Cole ang sekretong pinakatatago ni Macy na naging mitsa upang sa halip na makuha ang loob ng aristokratang ginang ay mapasama pa siya.
Dahil sa insidenteng iyon ay hinayaan muna ni Macy na makasama ni Cole ang ina nito. Pero ang pagpayag niya sa sandaling pagkawalay sa nobyo ay bumilang nang buwan. Hanggang sa mapagtanto na lang niya na unti-unti nang nagkakaroon ng harang sa pagitan nila.
Pero hindi sinasadyang nalaman ni Macy ang nakaraan ng ina ni Cole. Dahil doon ay nagkaroon siya ng ideya kung bakit naging magaspang ang pakikitungo sa kanya ng ginang.
Ngayon, hindi man nakasisiguro sa magiging resulta, naisip ni Macy na gumawa ng paraan upang tulungan ang ina ni Cole na mabigyan ng closure ang nakaraan nito. Para na rin mabigyang-daan na ang pag-ibig nila ni Cole.