"You have the most pleasant face I've ever seen in a woman. At Hindi masamang pangitiin mo ang mukhang iyan, lalo na kung makapagpasaya ka ng kahit isang tao lang na nasa paligid mo."
Na-love at first sight si Ivy kay Flynn. Ang kaso, iba naman ang mahal nito. Gumawa siya ng paraan upang paghiwalayin ito at ang nobya nito. Ngunit nang malaman ni Flynn ang mga kasinungalingang inimbento niya ay namuhi ito sa kanya.
Nasaktan siya nang husto. Sumabay pa roon ang pagkawasak ng kanilang pamilya. At sa mga panahong iyon ay natagpuan siya ni Gemino---ang kambal ni Flynn.
Unti-unti ay nabaling dito ang pansin at pagmamahal niya. Hindi lang kasi ang panlabas na anyo nito ang maganda--higit lalo ang kalooban nito.
Ngunit muling nagkrus ang mga landas nila ni Flynn. Ipinamukha nito kay Gemino na kaya lamang siya naging malapit dito ay upang gawin niyang panakip-butas ito.
"Kakambal ko si Gemino," sabi pa ni Flynn sa kanya. "Ano na lang ba sa iyo kung ituloy mo ang pagpapantasya sa akin sa pamamagitan niya?"Paano nga ba niya pasisinungalingan ang akusasyon nito? At higit sa lahat, paano niya pasisinungalingan iyon kay Gemino?