“Hindi ko mapilit ang sarili ko na magkagusto sa ibang babae dahil ikaw ang gusto ng puso ko.”
Nakagisnan na ni Magdalene mula sa lola niya ang pagsali-sali sa mga game show sa TV o kaya ay sa mga local contest sa lugar nila. Pero lagi ay minamalas siya dahil wala talaga siyang bonggang talento. Nang magipit sa pera, kahit pagsali sa beauty contest sa hindi niya teritoryo ay hindi niya pinalampas.
Sa isang beauty contest ay nakilala niya si Seth. Naging hurado ito sa naturang patimpalak at hindi niya inakalang magiging bahagi ito ng buhay niya. Dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay muling nagkrus ang kanilang mga landas. Si Seth bilang humihingi ng tulong at siya bilang handang tumulong. Masasabi ni Magdalene na hulog ito ng langit kaya madaling nahulog ang loob niya sa lalaki. Ngunit alam niyang hanggang doon lang iyon dahil hindi sila bagay.
Tama bang harapin na lang niya ang katotohanang pagkakaibigan lang ang kaya ni Seth ibigay sa kanya? O hahayaan na lang niyang mangarap ang kanyang puso?