Lahat ng tao ay kailangan ng ligtas na lugar ng matatakbuhan. Gusto kong ako ang maging taong `yon para sa `yo.
Bata pa lamang si Annalise Falcon ay naniniwala na siya na si Sam Galvez ang nakatadhana para sa kanya. Kaya pagtuntong niya sa edad na beinte-uno ay hindi siya nagdalawang-isip nang ialok ang sarili sa binata. Ngunit parang gumuho ang mundo niya nang harapan siyang tanggihan ni Sam at ipamukha sa kanya na bukod sa malaki raw ang agwat ng edad nila ay hindi raw gaya niya ang tipo nitong babae.
Mula noon, isinumpa ni Annalise na kalilimutan na si Sam. Ngunit pagkalipas ng ilang taon ay inalok siya nito ng trabahong hindi niya kayang tanggihan. Pero kahit mangahulugang madalas silang magkakasama sa trabaho, determinado naman siyang bale-walain ang dati niyang nararamdaman para sa binata.
Ngunit tila sinadya ng tadhana na ikulong sila sa isang sitwasyon kung saan hindi na mapaglabanan ni Annalise ang kumakawalang damdaming matagal na niyang ikinulong sa dibdib kahit pa isang babaeng makakasalo lang sa kama ang tingin ni Sam sa kanya.